Sunday, October 24, 2004

Pareho parin ang ihip ng hangin

Ang tagal ko nang hindi sumasayaw sa Bayanihan. Nawala ako dahil sa buhay ko, naiba ang ihip ng hangin. Gaya ng sinabi ko noong mga una kong sinulat sa blog, malaki ang ipinagbago ng pananaw ko sa buhay simula noong nag directing class ako. Pinagsawaan ko, hindi ang pagsasayaw, hindi ang Bayanihan, kundi ang pagkakulong sa iisang hanging nakukulob sa mga dingding ng Bayanihan. Nakakasawa. Nang tumagal ako sa kumpaniya, marami akong nadiskubreng hindi ko nalang sana nadiskubre tungkol sa mga taong noong umpisa pa nama'y hinangaan ko.

Alam kong normal sa isang kumpaniya ang magkaroon ng iba't ibang klaseng tao, na ma iba't ibang klaseng baho. Sa katunayan'y hindi talaga iyon maiiwasan sa mundo. Pero naisip ko lang na marami pang puwedeng gawin, marami pang puwedeng makita na ang kahihinatnan ay hindi kalungkutan. Marami. Gaya nalang ng naging eksperiyensiya ko sa pagdidirek. Mahirap. Parang pagbubuntis, mahirap pero sulit. Dahil ang ibabalik sayo ay higit pa sa ibinigay mo.

Akala ko'y hindi na ako apektado ngayon sa panghihinayang na nawala ang dating paguudyok na nararamdaman ko tuwing sumasayaw ako kasama ng kumpaniya. Gusto ko parin. Mahal na mahal ko ang pagsasayaw, at ang ginagawa ng Bayanihan na pagtaas sa karangalan ng Pilipinas sa tuwing naglalakbay sila sa iba't ibang lupalop ng daigdig (over...). Ngunit kahapon tila'y bumagsak muli ang kaunting pag-asa na naramdaman ko para sa kumpaniya. Wala pa ring ipinagbago. Kung ano yoong iniwan ko, kung ano iyong masamang hangin na dati'y pinagsawaan ko, naroon parin.

Hindi ko alam kung bakit umasa pa ako na mag-iba ang ihip ng hangin. Sa ngayon? Kahit masakit, wala akong magagawa. Kahit mahal ko, kung hindi na ako nagiging masaya, kung wala na siyang ngiting naidudulot sa aking mukha, kailangan ko nang itigil. Gayunpaman, hindi ako nagsasalita ng tapos. Pero sa ngayon...babay muna.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home